COVID-19 cases sisipa pa – DOH
MANILA, Philippines — Ramdam na sa Pilipinas ang epekto ng Delta variant ng COVID-19 kaya asahan na ang patuloy na pagsipa ngbilang ng mga kaso ng COVID-19 sa mga susunod pang mga araw.
Sinabi ni DOH undersecretary Maria Rosario Vergeire na sumisipa at tumataas na ang kaso na sumampa sa 10,000 sa loob lamang ng isang araw nitong Biyernes at mahigit 11,000 kahapon.
Naniniwala si Vergeire na ang mga naturang bagong kaso ng COVID ay maaaring dulot ng Delta variant na mas nakahahawa ng 60 porsyento kumpara sa orihinal na strain mula sa Wuhan, China noong 2019.
“So nakikita na po natin na sumisipa na ang mga kaso, tumataas na po ang kaso, nararamdaman na po natin ang epekto ng Delta variant sa ating bansa. Amin pong nakikita, based on projections, tataas pa rin po ang mga kasong ito,” ayon kay Vergeire, sa isang public briefing.
Idinagdag pa ng opisyal na ang ipinaiiral ng pamahalaan na mas mahigpit na lockdowns ay naglalayon lamang na mapabagal ang pagdami ng COVID-19 infections at maihanda ang health care system ng bansa, ngunit hindi pa rin aniya matitigil ang pagdami ng mga kaso ng sakit.
Aminado si Vergeire na hindi sapat ang paghihigpit sa quarantine restrictions para patigilin ang pagtaas kaya pinaghahandaan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng Delta variant.
Sa kabila naman nito, sinabi ni Vergeire na hindi pa rin maideklara ng DOH ang community transmission ng Delta variant ngunit tiniyak na tinutugon ng mga health authorities ang COVID-19 situation sa ngayon, nang tila ba mayroon nang community transmission.
Ang Metro Manila, Laguna, Cagayan De Oro, at Iloilo City ay kasalukuyan nasa ECQ upang mapigilan pa ang pagkalat ng COVID-19, partikular na ang mas nakahahawang Delta variant nito.
Batay sa talaan ng DOH, ang Cavite, Laguna, Bulacan, Quezon City, Cebu City at Maynila ang nagpataas ng mga kaso ng COVID nitong Biyernes.
Nagdadagdag na ng mga kama at mga ICU sa iba’t ibang panig ng bansa at
inililipat sa mas mababang pasilidad ang mga mild lamang o asymptomatic,
ayon pa sa DOH.
Comments
Post a Comment